Radyo Natin Horror Stories: Ang Bata sa Simbahan

PHOTO: Unsplash
Ako si Kleir at highschool ako noong sumali ako sa isang youth choir sa parokya namin. Sa una ay masaya naman dahil marami akong nakikilalang mga kapwa ko kabataan na nais rin maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkanta.
Pero nagbago ang lahat ng isang gabi nang kami ay kasalukuyang nagpa-practice sa simbahan ng mga kanta para sa misa kinabukasan.
Habang kami ay busy sa pagkanta at pag-aaral ng tono. Biglang namatay ang ilan sa mga ilaw ng simbahan at biglang lumamig ang aming mga pakiramdam. Pero tinawanan lang namin ito dahil baka nagloloko lamang ang kuryente at kalaunan ay bumalik naman ang lahat ng ilaw.
Tinuloy namin ang pagkanta nang biglang may kumalabit sa aking binti at tila tumakbo palayo ang nangalabit sa akin at may narinig akong tinig ng isang batang tumatawa.
Agad kong tinanong ang aking katabi na si Raisa kung may narinig o nakita ba siyang bata kasi mayroong kumalabit sa akin pero hindi ko na ito nakita. Ang sabi niya ay wala naman siyang napansin.
Matapos nun ay nakaramdam na akong ng takot dahil alam ko naman na kami lang nama ang tao sa loob ng simbahan nun. Sinabi ko ang aking naramdaman sa lahat ng aking ka-member sa choir pero tinawanan lamang nila ako.
Isa naman sa aking mga ka-miyembro sa choir na si Mikaela ang bigla na lamang sumigaw dahil mayroon kumalabit sa kanyang likod samantalang nakaupo siya malapit sa pader at wala siyang katabi na malapit sa kanya.
Agad naming itinigil ang pagpa-practice at nagtanong kami sa katiwala ng simbahan kung may mga ganitong pangyayari ba talaga. Ayon sa kanya, isang batang lalaki na kaluluwa umano ang naglalaro palagi sa altar ng simbahan. At kahit siya at iba niyang mga kasama ay napapansin ito tuwing magsasara ang simbahan sa gabi.
Madalas umano tumatakbo ang batang kaluluwa sa altar at para bang naghahanap ito ng kanyang makakalaro at makakasama.
Hindi pa rito natapos ang kababalaghan dahil ang hindi namin alam ay sinundan pala si Mikaela ng batang lalaki na kaluluwa sa kanilang bahay. Si Mikaela na isang college student ay nagdadalang-tao pala at hindi pa niya ito sinasabi sa kanyang pamilya at kaibigan. Pero isang araw ay biglang nag-text sa 'kin si Mikaela na parang may naririnig siya na batang lalaki sa kanyang kwarto at ito ay tumatawa na parang bang nakikipaglaro.
At hindi lang iyon ang kanyang naramdaman dahil sa tuwing natutulog siya ay tila may nararamdaman siya humahawak at humihimas sa kaniyang tiyan dahil dito ay sinabi na sa akin ni Mikaela na siya pala ay four months pregnant na. At pakiramdam umano niya ay sinundan umano siya ng batang kaluluwa sa simbahan.
Upang matulungan siya ay naisip ko na samahan siya sa kakilala naming albularyo o nangtatawas na malapit sa amin. Matapos matignan si Mikaela ng albularyo ay may napansin ito sa kanyang natuluan ng kandila na hugis ng isang batang lalaki. Doon ay kinutuban na kami ni Mikaela na baka nga sinundan siya ng batang kaluluwa hanggang sa kaniyang pagkauwi mula sa simbahan.
Naikuwento rin namin ni Mikaela sa albularyo ang naranasan namin nakakakilabot na pangyayari sa simbahan at binanggit rin namin na nagdadalang tao si Mikaela. Ayon sa albularyo, maaring nga yun ang batang nakita niya sa kanyang tinawas at ang nakakatakot umano rito ay baka isama ng batang kaluluwa ang bata na nasa sinapupunan ni Mikaela.
Kaya't agad na gumawa ng orasyon ang albularyo kay Mikaela upang lumayo na ang batang kululuwa sa kanya. Binigyan niya rin si Mikaela ng mga susuotin mga bracelet pangontra sa masamang espiritu at nag-alay rin ito ng mga candy sa kanilang bahay. At nag-alay rin ng dasal si Mikaela para sa batang kaluluwa upang ito ay matahimik na rin.
Pagkalipas ng ilang araw ay tuluyan na nga linubayan si Mikaela ng batang kaluluwa at sinabi na rin niya ang kanyang pagbubuntis sa kanyang pamilya.

Last Modified: 2024-Jul-15 01:45