Radyo Natin Horror Stories: May Umiiyak sa Ilalim ng Lupa Tuwing Madaling Araw
2023-Oct-31 11:00

PHOTO: Freepik
88 years old na ang lola ko. Sa bahay ng mga magulang ko, doon din siya nakatira. May sarili siyang kwarto. Maliit lang pero kumpleto naman. May maliit na TV at meron syang sariling radyo. Libangan na ni Gamma ang makinig ng radyo at manood ng TV. Madalas, nakakatulugan niya na ito. Huwag na huwag mong papatayin kasi magigising sya.
Dahil may edad na at may iniindang high blood, diabetes, at kung ano-ano pa, madalas siyang tulog sa umaga at gising naman sa gabi. Sabi niya, madalas alas-dos o alas-tres ng madaling araw, magigising sya at hindi na dadalawin pa ng antok hanggang sumikat na ang araw.
"Ano ang ginagawa mo sa madaling araw?" tanong ko sa kanya. "Nagbabasa ng Bible," yan ang sabi niya. Ganun nga siguro kapag tumatanda na. Mas marami ka nang oras magbasa ng Bibliya.
Isang umaga, habang kakwentuhan ko siya. Sabi niya, "May umiiyak sa ilalim ng lupa tuwing madaling araw". Sabi ko, "ha?". Sabi niya, "Totoo. May umiiyak sa ilalim ng lupa tuwing madaling araw. Mahinang-mahina pero dinig na dinig ko". Napaisip ako sa sinabi ng lola ko. Dagdag pa niya, "Kaya nga ako, talagang naniniwala ako na ang impyerno ay nasa ilalim ng lupa. Kasi dinig na dinig ko yung umiiyak."
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Pero bumabalik-balik ito sa isip ko paminsan-minsan. Bigla pa nga akong natawa mag-isa dahil naisip ko paano naman narinig ni Gamma ang mahinang tunog ng umiiyak sa ilalim ng lupa eh sobrang hina na ng pandinig niya? O hindi kaya sa sobrang tahimik ng gabi at sa sobrang taimtim ng pananalangin niya sa madaling araw, posible talagang meron siyang kakaibang marinig?
Hanggang isang araw, nakuwento ko ito sa kapatid kong lalaki. "Alam mo ba, may nadidinig daw si Gamma na umiiyak sa ilalim ng lupa tuwing madaling araw?". Umismid siya. "Paano naman nyang maririnig yun, e di ba medyo bingi na si Gamma?" yan din ang tanong nya. Sabi ko, "Ewan ko, basta sabi n'ya, tuwing madaling araw. May naririnig sya. Umiiyak. Mahinang mahina."
Nagulat ako dahil biglang tumawa ng sobrang lakas ang kapatid ko, halos hindi sya humihinto.
"Bakit?" sabi ko. Madaling araw nga pala ang pasok niya sa trabaho. Amerika ang oras niya. Work from home ang trabaho niya. "Alam ko na," sabi niya. "Si Quinnay ang naririnig n'ya tuwing umaga," sinabi n'ya habang tawa nang tawa. "Mga ganung oras dumadalaw dito yung pusa ng kapitbahay kaya naririnig ko sila ni Quinnay."
Si Quinnay yung pusang inampon namin nung lockdown.
Siya pala yung umiiyak tuwing madaling araw. (Cheska Camille San Diego-Bobadilla)