Radyo Natin Horror Stories: Masayang Bakasyon Sana sa Baguio Pero…
2023-Nov-01 11:00

PHOTO: Canva
Pumunta ng Baguio yung cousin ko at family niya para magbakasyon. Tumuloy sila sa isang transcient house na nirentahan nila ng ilang araw.
Mukhang walang nakatira sa bahay na yun pagwalang nagre-rent. Pangbakasyunan lang talaga pero kumpleto naman sa gamit at maayos ang itsura.
Since matatakutin yung mga pamangkin ko, unang gabi pa lang napagdesisyunan na nilang sa isang malaking kuwarto na lang sila lahat matulog.
May dalawang kama sa kuwarto na iyon na pinagdikit nila para magkasya silang anim at magkakatabi silang natulog. Andun yung cousin ko at wife niya and four girls na mga pamangkin ko.
Unang gabi pa lang eh meron nang nagparamdam sa kanila.
Nung natutulog na sila, parang meron daw tumabi sa kanila. Akala nung pamangkin ko, kapatid lang n'ya kaya umusog naman siya. Bukas ang ilaw at nakatalukbong sya ng kumot, hindi s'ya lumilingon dahil takot nga s'ya at baka ano pa ang makita n'ya. Kaya lang, dikit daw nang dikit sa kanya kaya usog naman s'ya ng usog. Naiinis na s'ya at sinabihan yung tumatabi na wag nang dumikit at masikip na. Tinawag pa n'ya yung name ng sister n'ya.
Nagulat s'ya nung sumagot yung sister n'ya na, "Anong dikit ng dikit? Eh nandito ko sa kabilang side mo at naka-steady lang ako!"
Nanigas at hindi raw nakakilos yung pamangkin ko. At nanlamig. Tapos, bumangon, tumili, at kumaripas ng takbo pati yung isa n'yang kapatid. Sinundan s'ya papalabas ng kuwarto. Nagising din yung cousin ko at wife nya at lumabas na silang lahat ng kwarto.
Hindi pa natapos dun. The next day, sa bed pa rin, nararamdaman nilang meron umuupo sa kama at gustong tumabi sa kanila. Kahit gising silang lahat at maliwanag dahil maaga pa nga, patuloy ang pagpaparamdam. Tapos nung nagpi-picture sila, meron silang nakitang mga orb sa picture at anino ng isang bata sa tabi. (Ellanie Bensal)